Wawao Builders, sinampahan ng reklamo ng BIR sa DOJ

Naghain ng mga reklamong kriminal ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban kay Mark Allan Villamor Arevalo, sole proprietor ng Wawao Builders.

Ito ay kaugnay ng tinatayang ₱48.39 milyong tax deficiency na may kinalaman sa mga umano’y ghost project sa Malolos City, Bulacan.

Ayon kay BIR Commissioner Charlie Mendoza, nilabag ng Wawao Builders ang National Internal Revenue Code sa pamamagitan ng tax evasion at hindi tamang pagdedeklara ng income tax at VAT returns para sa una at ikalawang quarter ng 2024.

Giit pa ng BIR, may kontrata ang Wawao Builders para sa pagtatayo ng riverbank protection structure sa Barangay Caingin na nagkakahalaga ng ₱77.20 milyon, at nakasingil umano ng mahigit ₱72 milyon kahit wala umanong aktuwal na proyektong naipatupad.

Natuklasan ng Commission on Audit (COA) at sa sariling beripikasyon ng BIR na walang naitayong istruktura sa lugar, sa kabila ng ulat na 100 porsiyento nang kumpleto ang proyekto.

Dahil dito, hindi kinilala ng BIR ang mga idineklarang gastos at input VAT ng kontratista. Patuloy rin ang imbestigasyon ng ahensya sa iba pang flood-control contractors na sangkot sa mga kahalintulad na anomalya.

Sa kabuuan, umabot na sa labintatlong kaso ang naisampa ng BIR kaugnay ng mga kuwestiyonableng flood-control projects, na may tinatayang ₱8.92 bilyong posibleng pananagutan sa buwis.

Facebook Comments