Ways and Means Committee ng Senado, bigo pang makakuha ng sapat na pirma para i-ban ang POGO sa bansa

Bigo pa ang Senate Ways and Means Committee na makakuha ng sapat na pirma mula sa mga senador na miyembro ng komite para tuluyang ipagbawal ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Aabot pa lang sa pito ang pumirma kabilang na dito sina Senate Majority Leader Joel Villanueva, Minority Leader Koko Pimentel, Senator Risa Hontiveros at Senator Grace Poe habang ang mga nagsabi na hindi pa sila pumipirma ay sina Senators Jinggoy Estrada at Imee Marcos.

Ayon kay Estrada hindi pa nakakarating sa kanya ang committee report at nais muna niya itong mabasa.


Samantala, si Senator JV Ejercito ay nais namang gawin sa loob ng 2 hanggang 3 taon ang pag-phaseout sa POGO.

Sinabi ni Ejercito na hindi siya pro-POGO pero inaalala niya ang epekto ng agarang pagpapasara sa POGO na mismong Kongreso ang nagpasa ng batas para maging legal ang operasyon nito sa bansa.

Sa huling araw ng sesyon ay nag-privilege speech si Ways and Means Committee Chairman Sherwin Gatchalian kung saan kanyang inilahad ang laman ng chairman’s report kung saan inirerekomenda ang tuluyang pagpapasara at pag-ban ng mga POGO sa bansa dahil mas mabigat ang perwisyong dulot nito kung ikukumpara sa naibibigay na benepisyo.

Ayon kay Gatchalian mangangailangan na lang ng tatlo pang pirma o kabuuang sampung signatures para maiprisinta na ang committee report sa plenaryo ng Senado.

Aminado naman si Gatchalian na may ilan sa miyembro ng komite ay pinag-aaralan pa ang mga isyu sa POGO para lagdaan ang committee report dahil sa ilang mga concern tulad ng trabaho at ang mawawalang kita mula sa buwis sa POGO.

Facebook Comments