Cauayan City, Isabela- Nagdagdag na ng 100 pulse oximeter at handy oxygen ang lokal na pamahalaan ng Cauayan para magamit sa RHU 1 at 2 bilang tulong sa mga pasyente sa mga kabahayan.
Ito ang inihayag ni City Mayor Bernard Faustino Dy sa kanyang public address ngayong araw, Oktubre 6, 2021.
Ayon sa alkalde, hindi na kayang tugunan ng lahat ng mga ospital sa lungsod ang dami ng mga tinamaan ng COVID-19.
Kaugnay ng pagtaas ng kaso ng COVID-19, nagpamigay naman ang LGU ng mga gamot na Remdesivir at baricitinib (Olumiant) para magamit ng mga pasyenteng may mild at moderate symptoms kung saan hinimok ng opisyal ang publiko na nais magkaroon nito na makipag-ugnayan lamang sa ‘Sumbungan ng Bayan’ hotline.
Mula 493 active cases na mayroon ang lungsod, 451 dito ang naka home quarantine, 17 ang nasa pampubliko at pribadong ospital, 5 ang nasa isolation units at 20 ang nasa barangay quarantine facilities.
Ayon pa kay Dy, 427 sa mga pasyente ang may mild symptoms gaya ng ubo, sipon at lagnat; 20 ang moderate cases at 46 ang asymptomatic.
Aniya, malaking hamon ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan kabilang na ito sa critical areas.
Mananatili naman sa Hybrid GCQ Bubble ang lungsod hanggang October 15, 2021 maliban na lang kung babawiin ito o palalawigin pa.
Giit rin nito, awtomatikong isasailalim sa GCQ Bubble Set Up ang Cauayan City oras na makapagtala ng hindi bababa sa 500 aktibong kaso.
Samantala, binigyang diin rin ni Dy na hindi kakayanin na maisailalim sa Enhanced Community Quarantine ang lungsod dahil kailangan na balansehin ang usapin ng ekonomiya at kalusugan.