Nagsisimula ng maranasan ang una nang naging pagtaya ng OCTA Research na posibleng maramdaman ang weak surge ng COVID-19 sa 2nd o 3rd week ng buwang kasalukuyan.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Infectious Disease Expert Dr. Rontgene Solante na nasa above 10 percent na ang positivity rate lalo na dito sa National Capital Region at inaasahang magkakaroon pa ng bahagyang pagtaas sa susunod na tatlo hanggang apat na linggo.
Mataas aniya ang naitalang hawaan at ito ay dahil na aniya sa pagkakaroon ng mga bagong variant na B.4 at B.5 batay na sa monitoring ng Philippine Genome Center.
Dahil dito, binigyang diin ni Solante na importanteng mapataas talaga ang pagtuturok ng booster dose.
Napag-iiwanan na aniya tayo ng mga kapitbahay nating mga bansa gaya ng Singapore, Vietnam at Malaysia na kung saan, nasa higit ng 50% na ang kanilang booster dose roll out kumpara sa 20% lamang dito sa Pilipinas.