Patuloy na magdadala ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ang Low Pressure Area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Huli itong namataan sa layong 370 kilometers south southeast ng Puerto Princesa City, Palawan.
Sa susunod na bente kwatro oras, asahan ang mga pag-ulan sa Palawan, Visayas, Northern Mindanao, Caraga, Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.
Magdadala naman ng mahinang pag-ulan sa Northern Luzon, partikular sa Batanes at Babuyan Group of Islands ang hanging amihan.
Habang sa Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa, nananatiling maganda ang panahon maliban sa mga isolated rainshower sa hapon o gabi.
Samantala, isa pang LPA sa labas ng PAR ang binabantayan ngayon ng PAGASA.
Ayon kay PAGASA weather forecaster Bennie Estareja – huli itong namataan sa layong 715 kilometers silangan ng Mindanao.
Posible itong pumasok sa PAR sa Sabado o Linggo na magdadala ng mga pag-ulan sa Visayas at Mindanao.