Simula kahapon ng alas-8 ng umaga kahapon hanggang ngayon ay bagsak ang dickgordon.ph na website ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon dahil sa paulit ulit na cyber-attack.
Ayon kay Myke Cruz, Information Technology sa tanggapan ni Gordon, ang mga huling pag-atake ay tiyempo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa pagbili ng gobyerno ng umano’y overpriced na pandemic supplies.
Sabi ni Cruz, ang cyber-attack sa website ni Gordon ay ginawa sa pamamagitan ng Distributed Denial of Service o DDoS Attack.
Paliwanag ni Cruz, ang DDoS attack ay paraan ng tangkang pagpapabagsak sa isang website o online service sa pamamagitan ng internet traffic mula sa iba’t ibang sources.
Binanggit ni Cruz na kahapon ay umabot sa apat na milyong hanggang 72 million ang request na dumagsa sa website ni Gordon
Sabi ni Cruz, ang bumahang traffic requests sa website ni Gordon kahapon ay nagmula sa United States, Hong Kong, United Kingdom, Germany, at TOR browsers.
Pero ngayong araw, tinukoy ni Cruz na ang IP addresses ng mga umatake sa website ni Gordon ay nasa Metro Manila, Taguig, Rizal, Parañaque, Nueva Ecija, gayundin sa mga siyudad sa General Santos, Cotabato, Cagayan de Oro, Davao, Dumaguete at bayan ng Magugpo sa Davao del Norte.