Website ni Senator Gordon, nabiktima ng cyber-attack sa harap ng pagpapatuloy ng pagdinig ukol sa Pharmally

Pansamantalang naka-down ngayon ang website ni Senator Richard Gordon makaraang mabiktima ng cyber-attack.

Nangyari ito noong Lunes, October 4 sa harap ng pagpapatuloy ng pagdinig ng pinamumunuan nitong Senate Blue Ribbon Committee ukol sa kontrobersyal na pagbili ng gobyerno ng COVID-19 medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Paliwanag ni Myke Cruz, information technology officer ng tanggapan ni Senator Gordon, nagkaroon ng Distributed Denial of Service o DDoS attack na nagresulta ng pag-shut down ng web services nito mula alas-7 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon.


Binanggit ni Cruz na bumaha ng traffic requests sa website ni Gordon mula China, United States, Ukraine at iba pang bansa sa Southeast Asia.

Dahil dito, lomobo ang bandwidth traffic nito sa 1.8GB sa loob lang ng isang oras mula sa dating 100MB.

Binanggit ng tanggapan ni Gordon na bukod dito ay binaha rin ang social media pages ng senador ng mga banat mula sa pinaniniwalaan nilang mga trolls na bumabatikos sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado ukol sa pagbili ng pamahalaan ng hinihinalang overpriced na pandemic supplies.

Facebook Comments