Wedding ring na naiwala sa dagat, naibalik sa may-ari dahil sa isda

Facebook/Damn Levine

Nang dahil sa isang maliit na isda, masuwerteng nahanap at naibalik ang nawalang singsing sa dagat ng isang lalaki sa United Kingdom.

Kuwento ng may-ari na si Dan Levine, 44, Sabado noong mahulog ang singsing na gawa mismo ng kanyang asawa habang naliligo sa dagat sa Penzance, Cornwall.

Nang mapagtantong nawawala ang singsing, lumapit sa social media si Levine at nakiusap sa kung sino mang makahahanap sa lugar.


Hindi pa man lumilipas ang isang araw, may nakakita na sa nawawalang wedding ring.

Napulot ng kinilalang sina Gary at Emma Spiers, na sinabing hindi kakilala ni Levine, ang singsing habang naglalakad sa dalampasigan ng Battery Rocks.

Ayon sa SWNS, unang napansin nina Spiers ang itim at maliit na isdang naiwan sa maliit na pool na nabuo nang bumaba na ang tubig.

Sa ilalim ng isda, naroon ang espesyal na singsing na hinahanap ni Levine.

Hindi raw makikita ni Gary ang singsing kung hindi niya napansin ang isda.

Nagkataon naman din na kaibigan pala ng dalawang nakapulot ang anak ni Levine kaya nakita ng mga ito ang post tungkol sa singsing.

“It’s really made my day. I really didn’t expect to get it back again. To find it in these circumstances is amazing,” ani Levine.

“Thanks to the people who shared my post on Facebook, thanks to Gary and Emma,” dagdag niya.

“And thanks little fish.”

Facebook Comments