
CAUAYAN CITY – Nadakip sa Purok 7, Brgy. Rizal, Saguday, Quirino, ang isang indibidwal matapos ang isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation ng Saguday Municipal Police Station.
Nakilala ang suspek na si alyas “Bimbo”, 44-anyos, may asawa, isang welder, at nakatira sa Purok 2, Brgy. La Paz, sa nabanggit din na bayan.
Nadakip ang suspek matapos nitong bentahan ng ilegal na droga ang isang awtoridad na nagpanggap na buyer.
Narekober mula sa suspek ang apat (4) na pirasong heat sealed sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, buy-bust money, isang (1) Caliber .38 na walang serial number at markings, at dalawang (2) live ammunition para sa nabanggit na uri ng baril.
Matapos maaresto ay dinala ang suspek sa himpilan ng Saguday PNP para sa dokumentasyon, at pagsasampa ng patung-patong na kaso na kinabibilangan ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code.