Manila, Philippines – Tiniyak ni Energy Secretary Alfonso Cusi na walang gas exploration deal na lalagdaan ang Pilipinas at China sa pinag-aagawang lugar sa South China Sea sa pagbisita ni Chinese President Xi Jinping sa bansa ngayong Nobyembre.
Ayon kay Cusi, hinihintay na lamang ng DOE na malagdaan ng Pangulo ang Service Contract 57 para maalis na ang pagbabawal sa oil exploration sa West Philippine Sea.
Taong 2012 nang magpatupad si dating Pangulong Noynoy Aquino ng moratorium o ban sa lahat ng uri ng exploration at drilling work sa West Philippine Sea.
Pero sabi ni Cusi, ipinauubaya na ng DOE sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang lifting ng ban dahil sa diplomatic issue.
Bagaman hindi pa nalalagdaan ang Service Contract 57, sinisimulan naman na ng DOE ang hakbang para sa oil exploration sa labing-apat na pre-determined areas sa West Philippine Sea.
Kinabibilangan ito ng off-shores at on-shores exploration mula Mindanao hanggang Northern Luzon.