Manila, Philippines – Iginiit nina Senador Bam Aquino at Senador Antonio Trillanes IV ang pagsasagawa ng Senado ng pagdinig ukol sa patuloy na militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
Nakapaloob ito sa Senate Resolution No. 723 na inihain ni Aquino at Senate Resolution No. 722 na inihain naman ni Trillanes na inirefer sa Committee on Foreign Relations na pinamumunuan ni Senadora Loren Legarda at sa Committee on National Defense and Security na pinamumunuan ni Senador Gregorio Honasan.
Nababahala sina Aquino at Trillanes mga aktibidad ng China sa West Philippine Sea na sinimulan sa pagtatambak at pagtatayo ng itraktura, paglalagay ng missile system at pinakahuli ang paglapag umano ng bomber planes.
Target anila ng gagawing Senate hearing na mabatid kung ano na ang tunay na sitwasyon ngayon at ginagawa ng China sa West Philippine Sea.
Kaugnay nito ay hinamon naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na magbuo ng matibay na paninindigan ang Senado laban sa patuloy na pagsakop ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas.
Katwiran ni Drilon, dapat ipaglaban ng Senado ang papel nito sa foreign relations at bilang katuwang ng pangulo sa paglalatag ng foriegn policy ng bansa.