Pasok na sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) ang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na nagbunyag ng “pastillas scheme” sa immigration.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, epektibo ngayong araw nasa ilalim na ng provisional WPP si Allison Chiong.
Bubusisiin din ng DOJ ang kanyang mga dokumento para maipasok ito sa full coverage ng WPP.
Una nang hiniling ng mga mambabatas kahapon na mailagay si Chiong sa WPP sa harap na rin ng mga natatanggap niyang pagbabanta sa kanyang buhay matapos niyang ibunyag ang pastillas modus sa BI.
Partikular na nagbibigay daw ng suhol sa immigration officers na sangkot sa pastillas scheme ang mga Chinese na pumapasok sa bansa at nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).