WHO, beberipikahin kung maaari din bang airborne ang transmission ng COVID-19

Isasailalim na ng World Health Organization (WHO) sa beripikasyon ang ulat mula sa New York Times (NYT) kung saan marami nang scientist ang nagkukumpirma na kumakalat sa pamamagitan ng hangin o airborne ang COVID-19.

Batay sa open letter, 239 scientist mula sa 32 bansa ang nagpatunay na ang maliliit na exhaled particles ay maaaring maihawa sa taong lalanghap nito.

Ang mga maliliit na particles ay nagtatagal sa hangin kaya hinihimok nila ang WHO na i-update ang kanilang abiso at patnubay para sa COVID-19.


Ayon kay WHO Spokesperson Tarik Jasarevic, batid nila ang lumabas na artikulo at nire-review na nila ang nilalaman nito sa tulong ng mga technical experts.

Pero ang anumang pagbabago sa assessment ng WHO hinggil sa transmission ay maaaring makaapekto sa kanilang payo lalo na sa pananatili ng 1-meter physical distancing.

Una nang sinabi ng WHO na ang COVID-19 ay naikakalat o naipapasa sa pamamagitan ng maliliit na droplets na inilalabas sa pamamagitan ng ilong at bibig kapag umubo, bumahing, nagsalita o tumawa ang taong infected ng sakit.

Facebook Comments