Masyado pang maaga upang masabi na ang Omicron na ang huling variant ng COVID-19.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni World Health Organization (WHO) Representative to the Philippines Dr. Rajendra Prasad Yadav na malaki ang tyansa na magkaroon pa rin ng iba pang bagong variants ng COVID-19.
Ito aniya ay hangga’t hindi pa naaabot ng mga bansa sa buong mundo ang target population nila para mabigyan ng kumpletong bakuna pati na rin ng booster dose.
Ayon kay Dr. Yadav, kung ang isang bansa ay kaunti pa lang ang nababakunahang mamamayan, marami pa sa mga ito ang pwedeng lipatan ng virus kung saan ito pwedeng mag-mutate para sa panibagong variant.
Kaya panawagan nito, pataasin ang vaccine coverage upang tuluyan nang matuldukan ang COVID-19.