Mariing itinanggi ng World Health Organization (WHO) na sa kanila nanggaling ang datos na ang Pilipinas ang pinakamabilis sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 Western Pacific Region.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni WHO Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe na hindi sa kanila nanggaling ang assesment o ang nasabing datos.
Paliwanag ni Dr Abeyasinghe, mayroong dashboard na may number of COVID-19 cases ang WHO pero isang mamamahayag ang ginamit ang kanilang datos at gumawa ng kanyang sariling interpretasyon.
Sinabi pa nito na hindi ugali ng WHO na magkumpara ng mga datos ng iba’t ibang mga bansa at maglabas ng assessment.
Giit pa nito, “unfair” para sa WHO na sabihin na sa kanila nanggaling ang report.
Sa lumabas na ulat, sinasabing ang Pilipinas ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 simula noong June 16, 2020 na pinaka-mataas sa 22 bansa na kabilang sa Western Pacific Region na sinundan ng Singapore at pumangatlo ang China kung saan nagmula ang Coronavirus Disease.