Tuloy-tuloy ang laban ng bansa kontra polio, ayon sa World Health Organization (WHO) Philippines.
Ito ay kasunod ng anunsyo ng Department of Health (DOH) na pumalo na sa labing pitong kumpirmadong kaso ng polio sa bansa matapos tamaan ang isang taong gulang na batang lalaki mula sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Ayon sa WHO PH, hindi pa tapos ang Polio outbreak kaya kailangan na ang lahat ng mga Pilipino ay makiisa sa Sabayang Patak Kontra Polio.
Ngayong araw, February 17 hanggang March 01, ipagpapatuloy ang mass polio vaccination sa Mindanao.
Ang mga batang sampung taong gulang pababa sa Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Isabela City, Zamboanga City at Lambayog, Sultan Kudarat ay sakop ng Sabayang Patak Kontra Polio.
Ang mga batang limang taong gulang pababa naman sa iba pang mga lugar sa Mindanao ay pinapayuhan din na mapabakunahan.
Mula naman February 24 hanggang March 08, isasagawa ang Sabayang Patak Kontra Polio sa National Capital Region (NCR) na sakop din ang mga batang limang taong gulang pababa.
Paalala ng WHO PH sa mga magulang, dalhin ang mga anak sa pinaka-malapit na health center sa kanilang lugar upang mapatakan ng oral polio vaccine ang mga bata bilang parte ng immunization programme o kumpletong bakuna laban sa mga sakit.