Umaasa ang World Health Organization (WHO) na madadagdagan pa ang mga participants para sa gagawing solidarity trial ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay WHO Representative to the Philippines Rabindra Abeyasinghe, nasa 2,000 hanggang 3,000 participants ang kasalukuyang hinahanap para sa gagawing solidarity trial pero mas maigi na madagdagagan ito.
Aniya, kung mas marami ang participants, makakakuha sila ng sapat na ebidensiya kung epektibo at ligtas ang bakuna.
Pero iginiit nito na hindi maaaring sumali ang mga buntis at mga pasyenteng may ibang karamdaman.
Sinabi pa ni Abeyasinghe na pinag-aaralan pa ng WHO kung anong mga bakuna ang gagamitin sa nasabing trial at wala pa silang napipili hanggang sa ngayon.
Nasa 12 hospital mula sa Metro Manila, Cavite, Cebu City, at Davao City ang gagawing trial sites kung saan bubuo ang Department of Science and Technology (DOST) ng data and safety monitoring committee na siyang tututok sa mga volunteers.
Aabot naman sa P89 million ang inilaan ng gobyerno para sa solidarity trial para makahanap ng epektibong bakuna laban sa COVID-19.