“Whole-of-government, whole-of-nation” approach , inirekomenda sa Kamara para solusyunan ang pagtaas sa presyo ng langis at pagkain

Iminungkahi ng Kamara ang “whole-of-government, whole-of-nation” approach o pamamaraan para tugunan ang epekto ng nagtataasang presyo ng langis at pagkain sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ang rekomendasyon ng Mababang Kapulungan ay bunsod na rin ng gyera sa Ukraine kung saan ramdam na sa buong mundo ang social at economic impact nito.

Sa inihaing resolusyon sa Kamara, nakasaad na dapat na magpulong agad ang mga ahensya ng gobyerno, mga kinatawan mula sa civil society, sectoral groups at private sector para bumuo ng “integrated policy solution” kasabay ng babala sa nagbabadyang national at global crisis.


Partikular na pinakikilos sa resolusyon ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Energy (DOE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at iba pang kaukulang ahensya.

Layunin ng pinagagawang konsultasyon na mabawasan ang epekto ng nagtataasang presyo ng mga produktong petrolyo at pagkain at magkaloob ng social protection sa vulnerable sector.

Ikinakabahala rito na ang epekto ng Russia-Ukraine war ay magdudulot ng malaking problema na singlawak din ng pandemya.

Kaya naman, hiniling ng Kamara de Representantes na magtulungan ang pamahalaan at lahat ng sektor para maprotektahan ang mga “vulnerable” na bahagi ng komunidad.

Facebook Comments