Umalma si Willie Revillame sa terminong ginamit ng isang online news website hinggil sa paglitaw niya sa press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Biyernes, Agosto 7.
Sa programa niyang “Tutok To Win” nitong Lunes, nilinaw ng premyadong TV host na hindi siya nang-hijack sa naturang media briefing at ikinuwento kung paano siya nakasama rito.
Paliwanag ni Revillame, humingi ng tulong sa kaniya si Roque tungkol sa puwedeng pagdausan ng Laging Handa press conference dahil pansamantalang isinara ang RTVM at PTV4 studios matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang empleyado roon.
Kaya naman ginanap ang press briefing ng opisyal sa Wil Tower, na pag-aari ng Kapuso celebrity. Dito rin ginagawa ni Revillame ang live episode ng palabas niyang “Tutok To Win.”
Ayon kay Revillame, tumanggi siya sa unang paanyaya ni Roque na lumitaw sa nasabing programa upang personal na pasalamatan sa pagpapagamit nito ng studio.
“Sabi ko Sir, hindi ho appropriate dahil hindi naman ako pulitiko and, also, I have my own show,” aniya.
Napapayag lamang siya sa imbitasyon dahil huling araw na umano ni Roque sa gusali.
Giit pa ng personalidad, dati pa raw niyang binibigyan ng pagkakataon na maging bisita sa kaniyang programa ang ilang pulitiko para mailahad ang kanilang plano ngayong pandemya.
“Ang ibig ko hong sabihin, hindi ho maganda yung pagkasulat. Hinijack ko daw yung programang ‘yon. I was invited by the secretary,” anang Revillame.
Nanawagan din ang batikang TV host na huwag bigyan ng ibang kahulugan ang pagtulong niya sa kapwa.