“Win-win solution,” apela ng mga magsasaka sa gitna ng hangaring ₱20 per kilo na bigas

Suportado ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapababa sa ₱20 ang presyo ng kada kilo ng bigas.

Pero ayon kay KMP Chairman Emeritus Rafael Mariano, hindi ito makakamit ng pamahalaan sa pamamagitan lang ng mga Kadiwa store.

Aniya, upang makapagbenta ng murang bigas, dapat na magkaroon ng intervention ang gobyerno maging sa production cost ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidiya.


Dapat ding palawakin ang mga sakahang sakop ng irigasyon para marami ang maani kahit tag-araw at pagtatayo ng drying facility upang maiwasan ang malaking harvest loss tuwing tag-ulan.

Iminungkahi rin ng grupo ang pagbabalik sa National Food Authority (NFA) ng tungkuling bumili ng palay sa mga magsasaka sa mas mataas na farm gate price na ibebenta naman nito nang abot-kaya sa mga pamilihan.

“Halimbawa, P30,000 ang cost of production sa isang ektarya ng palay, bumalikat man lang sana ang gobyerno ng 50% o P15,000. Yun naman po yung hinihiling namin,” ani Ka Paeng sa interview ng RMN DZXL 558.

“Mapababa lang yung cost of production to produce 1 kilo of palay ng P6 to P8 per kilo, pwede nang sabihing makakamit yung P20 per kilo. Three in one strategy for food self-sufficiency,” dagdag niya.

Kahapon, sabayang inilunsad sa 14 na lungsod sa buong bansa ang mga “Kadiwa ng Pasko” na program ng Office of the President na pinangunahan naman ng Department of Agriculture.

Dito ay sinabi ni Pangulong Marcos ang layon niyang maparami ang Kadiwa stores upang makapaghatid ng mga murang local products gaya ng bigas.

Facebook Comments