Iginiit ngayon ni Undersecretary Renato Solidum na huwag nang magpumilit pang bumalik sa kanilang tahanan ang ibang residente malapit sa Bulkang Taal kahit pa ibinaba sa alert level 3 ang lagay ng bulkan.
Ayon kay Solidum sa pagdalo nito sa media forum sa Maynila, hindi nila inaalis ang posibilidad ng tsansa ng pagsabog ng Bulkang Taal dahil patuloy nilang minomonitor ang lagay ng magma nito kada oras.
Sinabi pa ni Solidum na habang may threat ay hindi lahat ay maaaring bumalik sa kanilang tahanan kung saan simula pa lamang ng naglabas sila ng advisory ng alert level nitong March 2019 ay patuloy silang nakatutok sa sitwasyon ng Bulkang Taal.
Muli ring inihayag ni Solidum na hangga’t aktibo ang Bulkang Taal ay palaging isipin ng mga residente ang kanilang kaligtasan sakaling bigla itong sumabog.
Ang mga babalik naman daw na residente sa labas ng 7-kilometer danger zone ay samantalahin ang pagkakataon na linisin ang kanilang tahanan subalit patuloy na makinig sa balita hinggil sa sitwasyon ng bulkang taal.
Nilinaw rin ni Solidum na wala silang kontrol sa ipinapatupad na window hour sa ilang bayan na naka-lockdown at ang lokal na pamahalaan ang may diskresyon nito at tanging ang restriction area o mga lugar na may panganib ang kanilang tinututukan.