Winning lotto ticket na may P113-M jackpot prize, naiwala umano ng teller

6/45 Mega Lotto July 17 Official Result via Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Facebook page

Isang lalaking nagpakilalang nanalo sa 6/45 Mega Lotto na ibinola nitong Hulyo 17, ang dumulog sa pulisya matapos umanong maiwala ng teller sa tinayaang lotto outlet ang kaniyang ticket.

Giit ni Joram Lumictin Pagaran, 38-anyos ng Cabadbaran City, Agusan del Norte, tinayaan niya ang winning number combination na 8-11-25-33-43-45, na may jackpot prize na P113,065,050.

Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), isang bettor ang nanalo ng jackpot sa nasabing araw.


via PCSO Facebook page

Salaysay ni Pagaran, sumadya siya sa lotto outlet sa E. Luna street, Barangay Sikatuna para tingnan kung panalo nga ba ang mga tinayaan niyang numero.

Kinumpirma naman daw ito ng lotto machine nang ipasok ang ticket ni Pagaran.

Ngunit nang kukunin niya na ang ticket, itinanggi ng teller sa nasabing outlet na kinuha niya ang ticket ni Pagaran.

Dinala sa pulisya ang teller ng outlet ngunit iginiit nitong hindi niya kinuha ang ticket ng bettor.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa nangyari.

Pinayuhan ng PCSO ang mga mananalo sa lotto na iprisinta nang maayos at may pirma sa likod ang kanilang ticket sa main office sa Mandaluyong City.

Facebook Comments