FIBA – Pinagbigyan ng PBA board of governors ang hiling ni Coach Chot Reyes na makasali sa FIBA Asia cup ang lahat ng manlalaro ng Gilas Pilipinas.
Inanunsyo mismo ito ni PBA commissioner Chito Narvasa kahapon.
Kabilang rito ang mga beteranong PBA player na sina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Raymond Almazan, Allen Maliksi, Troy Rosario, Calvin Abueva, Jayson Castro, Terrence Romeo, Jio Jalalon, Matthew Wright at RR Pogoy.
Pasok din sina Gabe Norwood, Norbert Torres, Kevin Alas, Baser Amer, Mac Belo, Kevin Ferrer, Chris Tolomia, Carl Bryan Cruz, Andray Blatche, Christian Standhardinger, Bobby Ray Parks, Kiefer Ravena at Kobe Paras.
Gaganapin ang FIBA Asia Cup sa Lebanon sa Agosto.
Samantala, kapwa wagi naman sa NCAA Men’s Basketball tournament kahapon ang San Beda College at Letran.
Sa iskor na 76-52, panalo ang San Beda Red Lions kontra St. Benilde habang nakuha ng letran ang una nitong panalo kontra Emilio Aguinaldo College sa iskor na 83-80.