Withdrawal cap sa mga ATMs, pinaaalis ng isang kongresista

Umapela si Quezon City Rep. Alfred Vargas sa mga bangko na alisin ang ipinataw na withdrawal limit sa mga Automated Teller Machine (ATM) ngayong nasa ilalim ang Metro Manila ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Ayon kay Vargas, nakatanggap siya ng report na ilang mga bangko ang nagpatupad ng P5,000 cap o limit ng halaga na maaaring i-withdraw sa mga ATM sa bawat araw, bukod sa pinagbayad pa ng interbank charges ang mga customers na nag-withdraw ng pera mula sa ibang bangko.

Giit ng kongresista, walang pakundangan at imoral ang ipinatupad na limit sa maaaring ma-withdraw na pera sa ATM lalo pa’t maraming kababayan natin ang bumiyahe ng malayo at pumila ng mahaba para lamang makakuha ng salapi.


Dahil sa limit sa pag-wi-withdraw ay mistulang na-quarantine rin ang pera ng publiko kasabay ng MECQ.

Hinimok ni Vargas ang mga bangko na alisin ang withdrawal cap sa kanilang mga ATMs dahil kailangan ng mga tao ng perang panggastos sa mga pangangailangan sa susunod na dalawang linggo.

Bukod dito, ipinaaalis muna pansamantala ng mambabatas ang interbank ATM fees sa mga transaksyon dahil ang bawat piso ay malaking tulong ngayon sa mga mamamayan.

Facebook Comments