Ilagan City, Isabela- Puspusan ang ginagawang paghahanda ng mga pamunuan sa City of Ilagan sa isasagawang Women Zumba Aero Exercise na gaganapin sa ika 24 ng Marso 2018 sa Ilagan City Sports Complex.
Ang naturang aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang sa women’s month celebration na pangungunahan ni Mayor Evelyn C. Diaz at Commissioner Celia Kiram ng Philippine Sports Commission.
Sa Panayam ng RMN Cauayan News Team kay Ilagan City Information Officer Paul Bacungan, sinabi niya na ang aktibidad ay inaasahang dadaluhan ng 15,000 na kababaihan mula sa iba’t-ibang barangay sa Ilagan City.
Dagdag pa niya, ito umano ay isa sa makasaysayang aktibidad na idadaos sa lungsod ngayong taon kung kaya’t layon din nito na matanghal sa Guinness Book of World Record.
Hinihikayat naman ngayon ng City Government of Ilagan ang lahat ng Ilagan Association of Women (ILAW), Academic Institutions, International Organization Rainbow for Girls, at iba pang sector ng kababaihan sa mga iba’t-ibang sangay ng pamahalaan upang daluhan ang isa sa natatanging pagdiriwang ng Women’s Month Celebration.
Inaasahan ngayon na magiging masaya, mapayapa at ligtas na maidadaos ang aktibidad sa lungsod ng Ilagan.
Tags: Luzon, Cauayan City, Ilagan City, RMN Cauayan, DWKD 98.5, Evelyn C. Diaz, Paul Bacungan, Celia Kiram, National Women’s Month.