Hindi pa tapos ang pagsusuri at imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa nasunog na bahagi ng Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila.
Ito ang dahilan kaya’t naka-work from home pa rin ang karamihan sa mga tauhan ng Commission on Elections (COMELEC).
Nilinaw naman ni acting COMELEC Spokesman Atty. John Rex Laudiangco, na may skeleton work force pa rin sila na nagpapatuloy sa pagtatrabaho.
Aniya, kaya ipinatupad ang skeleton work force ay upang maipagpatuloy ang trabaho sa admin at ibang operasyon ng COMELEC.
Sinabi pa ni Laudiangco na tuloy ang pakikipag-ugnayan ng BFP sa mga naka-duty na tauhan ng COMELEC nang maganap ang sunog at sa loob ng linggong ito posible nilang makuha ang kumpletong ulat sa nangyaring insidente.
Una nang sinabi ng COMELEC na bahagi ng reception area lamang ng kanilang Information Technology Department ang direktang naapektuhan ng sunog at walang anumang importanteng dokumento ang nadamay.