Cauayan City, Isabela- Pansamantala munang hindi pinapapasok sa opisina o trabaho ang mga empleyado na nakatira sa limang (5) barangay na kabilang sa isinailalim sa ECQ at MECQ status sa bayan ng San Manuel, Isabela dahil na rin sa tumataas na bilang ng COVID-19 cases.
Ang limang barangay na kasalukuyang naka-lockdown ng labing apat (14) na araw ay kinabibilangan ng Brgy Agliam, Caraniogan, Sandiat Centro, Sandiat East, at Sandiat West.
Batay sa memorandum series of 2021 na inilabas at pirmado ni Mayor Manuel Faustino U. Dy, inaabisuhan ang lahat ng mga manggagawa na mula sa limang barangay na mag ‘work from home’ muna.
Nagsimula ang nasabing set-up kahapon, March 1, 2021 at nakatakdang magtatapos sa March 13, 2021.
Pinapayuhan din ang lahat ng mga manggagawa na dapat laging nakabukas ang cellphone lalo na sa oras mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon.
Kinakailangan din na isumite ng bawat empleyado ang kanilang accomplishment report sa kada araw ng Biyernes.
Kaugnay nito, maaaring makipag ugnayan ang empleyado sa department head upang pag-usapang maigi ang pansamantalang set-up ng pagta-trabaho.