Work stoppage order ng DOLE sa bahagi ng skyway project, tatanggalin na!

Inirekomenda na ng Department of Labor and Employment (DOLE) National Capital Region (NCR) na tanggalin ang umiiral na work stoppage order sa bahagi ng skyway project na nagkaroon ng aksidente kamakailan.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello na natanggap na niya ang rekomendasyon ni DOLE NCR Director Bambi Mirasol at kaniya naman itong sinang-ayunan.

Sa ngayon, partially lifted na aniya ang suspension ng work stoppage at nananatili na lamang ang tigil paggawa sa bahagi kung saan naganap ang aksidente.


Paliwanag ni Bello, bahagi kasi ito ng Build, Build, Build Program ng Duterte Administration na target makumpleto bago matapos ang taong kasalukuyan.

Batay sa ginanap na pulong nitong November 24, sinabi ng DOLE na maraming nakitang non-compliance sa occupational safety and health standard ang contractor at sub-contractor ng proyekto.

Kabilang dito ay ang kawalan ng warning signs sa lugar ng konstruksyon at kawalan ng TESDA accreditation sa karamihan ng operators ng mga heavy equipment o crane ng sub-contractor.

Dahil dito, pinagsabihan na aniya ng DOLE NCR ang contractor na EEI na i-comply ang mga requirement na ito para maalis na ang work stoppage order.

Agad naman aniyang sumunod ang mga ito kaya inirekomenda nang alisin ang pagpapatigil ng trabaho sa bahaging ito ng skyway project.

Facebook Comments