
Tutuloy si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang working visit sa New York, USA mula Marso 9 hanggang 11, kahit may lumalalang tensyon sa Middle East.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Angelica Escalona, dadalo ang pangulo sa dalawang pulong at magtatalumpati sa ika-70 sesyon ng United Nations Commission on the Status of Women.
Kasama rito ang pulong kay UN Secretary-General Antonio Guterres upang talakayin ang sitwasyon sa Middle East at ang patuloy na pakikipagtulungan ng Pilipinas sa United Nations.
Ayon kay Escalona, mahalaga ang working visit na ito para sa panawagang matigil na ang tensyon sa Middle East at maipakita ang paggalang sa international law.
Isusulong rin ng pangulo ang kampanya ng Pilipinas na maging miyembro ng UN Security Council.
Kasama ng pangulo sa delegasyon si First Lady Liza Araneta-Marcos, Senator Erwin Tulfo, at ilang miyembro ng gabinete.










