Worksheet ng 5-man Advisory Group na sasala sa courtesy resignation ng 3rd level officials ng PNP, handa na

Nakahanda na ang mga dokumentong kakailanganin para sa pagsasala ng inihain courtesy resignations ng mga 3rd level official ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP Public Information Office Chief at 5-man Advisory Group Spokesperson PCol. Red Maranan, mayroon na silang worksheet para sa evaluation ng mga koronel at heneral na naghain ng kanilang courtesy resignation.

Ani Maranan, gagamitin ang worksheet para sa mas mabilis na assessment upang mabatid kung kaninong courtesy resignation ang kanilang tatanggapin at ipapasa sa National Police Commission (NPC).


Sinabi pa nito, bago matapos ang Linggo ay muling magkakaroon ng pulong ang advisory group na layuning isapinal ang gagamitin nilang mga guideline sa vetting process.

Samantala, kumpiyansa naman si Maranan na on time ang gagawing pagsala sa courtesy resignation ng mga opisyal ng PNP kung saan target itong matapos bago magtatlong buwan.

Aniya, uunahin ang mga opisyal na nasa key positions dahil mas mahalaga ang kanilang role sa pagpapatakbo ng PNP.

Facebook Comments