Binuksan na sa publiko ang pinakamalaking Passenger Terminal Building (PTB) sa buong bansa sa Calapan Port, Oriental Mindoro.
Ang mas pinalaki, pinaganda at modernong Passenger Terminal Building ng Port of Calapan ay makapagbibigay serbisyo sa 3,500 na pasahero anumang oras mula sa dating kapasidad ng lumang terminal na nasa 1,600 lamang.
Ang nasabing terminal ay may prayer room, mas pinagandang breastfeeding area, all gender restroom, high-tech automated doors, escalators at elevators na malaking tulong sa mga pasaherong may partikular na pangangailangan.
Hindi na rin kailangan pang lumabas ng mga pasahero upang bumili ng anumang makakain dahil may tindahan na rin sa loob ng terminal.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, malaking tulong ang bagong gawang pasilidad lalo ngayong papalapit ang Semana Santa kung saan marami ang magsisiuwian sa kanilang probinsiya gamit ang pantalan.
Aniya, tuwing peak season, nasa humigit kumulang 12,000 ang pasaherong gumagamit ng pantalan araw-araw na kung minsan ay nasa labas ng lumang terminal ang mga naghihintay kaya naman inaasahan nating hindi na mangyayari ito dahil mas malaki na ang kapasidad ng bagong passenger terminal building ng Calapan Port.
Para kay GM Santiago, ang proyekto ng pagpapalawak at pagsasaayos ng PTB sa Calapan Port ay bahagi ng inisyatibo ng PPA upang gawing mas komportable ang biyahe ng mga pasahero at mas mapabuti pa ang serbisyong pampantalan ng ahensiya sa lugar.
Ilan sa dumalo sa inagurasyon ng Passenger Terminal Building sa Calapan Port ay sina Senator Bong Go, Oriental Mindoro Gov. Humerlito Dolor kasama ang ibang opisyal provincial government at PPA Assistant General Manager for Finance, Legal and Administration Elmer Nonnatus Cadano.