World Day of the Poor, isasagawa ng simbahan bilang pagpapahalaga sa buhay

Manila, Philippines – Binigyang -linaw ng isang obispo na walang katumbas na salapi ang buhay ng tao.

Ginawa ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ang pahayag kaugnay sa nalalapit na paggunita ng simbahang katolika sa World Day of the Poor sa Nobyembre 19 na idineklara ng Kanyang Kabanalan Francisco.

Paliwanag ni Bishop Mallari na bawat tao ay nilikha na kawangis ng Diyos at kailanman ay hinding hindi ito matutumbasan ng anumang salapi o materyal na yaman.


Sa pagdidiriwang ng Linggo para sa mahihirap, inihayag ng obispo na hindi rin dapat kalimutan ang mga mahihirap na walang-awang pinatay dahil sa paggamit ng iligal na droga sapagkat lahat ng inidibwal ay pantay-pantay sa mata ng panginoon at hindi dapat pagkaitan ng karapatang mabuhay.

Sa huling survey na isinagawa ng Social Weather Stations o SWS, 60 porsiyento ng mga Filipino ang naniniwala na tanging mahihirap na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot lamang ang pinapatay at hindi yaong mga mayayamang drug pusher.

Bukod sa pagtulong at pagmamalasakit, sinabi ni Bishop Mallari na tunay lamang malalaman ng bawat isa ang problema at tunay na kalagayan ng mga mahihirap kung ilalagay natin ang sarili sa kanilang sitwasyon.

Facebook Comments