WORLD SURFING LEAGUE JUNIOR CHAMPIONSHIPS, SINIMULAN NA SA SAN JUAN, LA UNION

Pormal nang nagsimula sa San Juan, La Union ang World Surfing League (WSL) World Junior Championships, tampok ang 48 batang surfers mula sa iba’t ibang bansa na sumabak sa mga alon ng Urbiztondo Beach kahapon, Enero 11, 2026.

Nilahukan ng mga under-20 surfers mula sa 16 na bansa ang prestihiyosong torneo na tatakbo hanggang Enero 18, 2026, kung saan sinusubok ang kanilang husay, bilis, at diskarte.

Isinagawa ang pagbubukas ng paligsahan sa isang resort sa San Juan, kasabay ng pagsisimula ng mga unang heat sa Urbiztondo Beach, na matagal nang kinikilala sa local at international surfing community.

Ang World Junior Championships ay bahagi ng taunang kompetisyon ng WSL na nagsisilbing entablado para sa mga batang atleta na itinuturing na susunod na henerasyon ng mga propesyonal na surfer sa buong mundo.

Pinangunahan ang hosting ng Provincial Government of La Union, Municipality of San Juan, at Department of Tourism Region 1, katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor, habang inaasahang magdadala ang aktibidad ng dagsa ng mga atleta, tagasuporta, at bisita sa lalawigan sa loob ng isang linggong kompetisyon.

Facebook Comments