Inihahanda na ng Department of Health (DOH) ang healthcare system ng bansa sakaling magkaroon ng panibagong surge ng COVID-19 sa harap ng banta ng Delta variant.
Ayon kay Treatment Czar at Health Undersecretary Leopoldo Vega, ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila ay dapat ng ipagpalagay na bunga ito ng nakakahawang variant.
Pero sinabi ni Vega na nananatiling ‘manageable’ ang sitwasyon sa bansa.
Mahalagang paghandaan ang worst case scenario dahil maraming tao ang posibleng maapektuhan.
“We are preparing for the worst-case scenario dito kasi alam natin na highly transmissible ito tapos mas maraming tao kaagad ang ma-apektuhan,” sabi ni Vega.
Naniniwala si Vega na kumalat na rin ang variant sa mga probinsya lalo na at limitado ang kakayahan ng bansa pagdating sa genome sequencing ng positive samples.
“Kakaiba talagang itong Delta variant sa ibang variants of concern dahil itong Delta variant is highly transmissible,” paliwanag ni Vega.
“Ang ibig sabihin ay pwede siyang makahawa ng five to eight people at one time. Exponential talaga ang growth kaya mabilis talaga ang transmission,” paliwagan ng DOH official.
Kaya muling nanawagan ang DOH sa local government units (LGU) na paigtingin ang pagpapatupad ng safety protocols at tiyaking sumusunod ang publiko sa minimum health standards.
“Talagang ini-improve natin yung number of allocated beds, lalong lalo na sa public and private, na kung magkakaroon ng surge meron silang opening up of more beds,” sabi ni Vega.
Sinabi ni Vega na magpapatupad sila ng “accordion-like” strategy kung saan ang mga ospital ay maaaring dagdagan ang kanilang mga kama sa pamamagitan ng pag-convert ng non-COVID facilities para mas maraming ma-accommodate na pasyente sakaling magkaroon ng surge.