Manila ,Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na hindi papayag ang Gobyerno ng Pilipinas na takutin ng ibang bansa ang mga Pilipino sa loob ng ating teritoryo.
Ito ang ginawang pahayag ng Palasyo ng Malacañang matapos hindi payagan ng Chinese Cost Guard ang ilang mamamahayag na makapagsagawa ng interview sa mga mangingisda sa Panatag Shoal na nasa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, kailangang ivalidate kung ito nga ba ang ipinatutupad na panuntunan ng China sa Panatag Shoal kung saan bawal magsagawa ng interview ang media.
Department of Foreign Affairs na aniya ang bahala na gumawa ng mga kaukulang aksyon sa usapin dahil hindi naman kinikilala ng China na pagaari ng Pilipinas ang naturang lugar.
Ang mahalaga aniya ngayon ay hindi dapat gumawa ng anumang hakbang ang Pamahalaan na magpapainit ng tensyon sa disputed areas hanggang walang nabubuong Code of Conduct for the West Philippine Sea.