Manila, Philippines – Walang nakikitang masama si UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea Director Jay Batongbacal sa joint exploration ng China at Pilipinas sa natural resources sa West Philippine Sea at sa hatiang 60 sa bansa habang 40 sa Beijing.
Sa interview ng RMN DZXL Manila kay Batongbacal, matagal nang ginawa ng Pilipinas ang mga ganitong hatian at joint exploration sa mga pribadong kompanya.
Naniniwala din ang maritime law expert na hindi magkakaroon ng problema ang ikinakasang joint exploration ng China at ng bansa sa desisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS na pumapabor sa Pilipinas.
Pero payo ni Batongbacal, dapat suriing mabuti ng Pilipinas ang magiging terms and conditions sa kansunduan ng joint exploration.
Posible sa Setyembre ang huling yugto ng palitan ng drafts para sa kasunduan ngunit sasailalim pa ito sa review ng Solicitor General, Executive Secretary at ng Office of the President.
Matatandaang umani ng batikos kamakailan ang planong joint exploration na posible umanong malaking paglabag sa saligang batas ng Pilipinas na pinabulaanan naman ng Malacañang at iginiit na ito ay ligal.