Yassi Pressman, dinipensahan si Coco Martin sa isyu ng ABS-CBN shutdown

Yassi Pressman, Coco Martin. Images: Instagram

Humingi ng pang-unawa si Yassi Pressman para sa “Ang Probinsyano” co-star na si Coco Martin na nahaharap sa batikos matapos ang protesta laban sa ABS-CBN shutdown.

Iginiit ng aktres sa isang Instagram post nitong Miyerkules na mapagmahal at mabuting tao si Martin.

“Pasensya na po kayo, kung sa pagkarinig po ninyo ay nadadala po siya sa kanyang emosyon, at yun po ay dahil mahal na mahal niya po ang mga ‘kapamilya’ niya,” ani Pressman.


View this post on Instagram

Mga Kaibigan po, mga Kapamilya,mga Kapuso, at mga mahal ko pong mga kababayan… Si Coco Martin po ay ilang taon ko na pong kilala, at sa pagkakakilala ko po sakanya ay mabuti po siyang tao. Pasensya na po kayo, kung sa pagkarinig po ninyo ay nadadala po siya sa kanyang emosyon, at yun po ay dahil mahal na mahal niya po ang mga “kapamilya” niya. Kami po iyon… mga katrabaho, sa harap ng kamera at sa likod.. mga pamilya po niya. Katulad po ng pagtatanggol po ninyo sa mga kaibigan, kapatid, mga magulang, at anak…. ganun rin po ang tingin niya saamin. Sana po maintindihan po ninyo. Salamat Coco, sa lahat ng mabuting nagawa mo para sa aming lahat, at hindi namin makakalimutan ang lahat ng iyon habang buhay ❤️

A post shared by Yassi Pressman (@yassipressman) on

Isa si Martin sa mga nakiisa sa online rally ng Kapamilya stars, kung saan kinastigo niya ang mga pabor sa pagpapasara ng network na nagbibigay ng kabuhayan sa 11,000 na empleyado.

“Katulad po ng pagtatanggol po ninyo sa mga kaibigan, kapatid, mga magulang, at anak… ganun rin po ang tingin niya sa amin,” paliwanag ni Pressman.

Pinasalamatan din ng aktres si Martin sa lahat ng ginawa nito para sa network at aniya, “hindi namin makakalimutan ang lahat ng iyon habang buhay.”

Bukod kay Pressman, nauna na ring ipinagtanggol nina Angel Locsin, Cherry Pie Picache at Korina Sanchez si Martin.

Habang nakabinbin pa rin ang franchise renewal ng ABS-CBN, sinabi ng chief executive officer nitong si Carlo Katigbak na posibleng magbawas ng empleyado ang kompanya kung hindi agad maibalik ang operasyon.

Napilitang tumigil sa pag-ere ang broadcasting giant alinsunod sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC) noong Mayo 5.

Facebook Comments