Yellow card ng Bureau of Quarantine, dapat gawing libre – kongresista

Ipinalilibre para sa publiko ang “yellow card” na iniisyu ng Bureau of Quarantine (BOQ).

Sa joint hearing ng House Committees on Information and Communications Technology, Health at Economic Affairs, humirit si Iloilo Rep. Janette Garin na i-waive ang bayad ng mga kumukuha ng yellow card na nagkakahalaga ng P300.00 kada isa.

Pinakikilos ni Garin ang Kongreso na i-lobby ang rekomendasyon lalo’t karamihan sa mga gumagamit nito ay Overseas Filipino Workers (OFWs) na paalis ng bansa dahil wala pang opisyal na COVID-19 vaccination card/certificate na “internationally recognized”.


Suportado naman ng ilang mga kongresista ang mungkahi ng kasamahan.

Samantala, sinabi naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Asec. Eric Tamayo na kinikilala sa 196 na bansa ang yellow card ng BOQ kaya kapag magtutungo ng ibang bansa mainam na iprisinta ito.

Sinabi pa ng opisyal na ang yellow card ay para talaga sa yellow fever, measles o tigdas at polio pero isinasama muna rito ang COVID-19.

Matatandaan na maraming OFWs ang hindi pinapasok noon sa Hong Kong dahil hindi tinatanggap ang COVID-19 vaccination cards na mula sa mga LGU dahil iba-iba ang format at walang paraan para malaman kung lehitimo ang mga ito.

Facebook Comments