‘Yes’ vote para sa Better Normal Bill, binawi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate

Binawi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang kanyang  ‘yes’ vote sa House Bill 6864 o Better Normal.

Sa liham na ipinadala ni Zarate kay Speaker Alan Peter Cayetano, sinabi nito na bagama’t kinikilala nila na dapat manatili ang mga pag-iingat kahit na humupa o matapos ang pandemya, iginiit ng kongresista na may ilang probisyon sa panukala na taliwas sa prinsipyo ng kanilang partido.

Partikular na tinukoy ng mambabatas ang limitasyon sa pagsasagawa ng public gatherings na anila’y pagsikil sa karapatan na magpahayag at maglabas ng hinaing sa gobyerno.


Hindi aniya nila masusuportahan ang isang panukala na sa tingin nila ay lumalabag sa freedom of speech and expression.

Sa ilalim ng Better Normal Bill, oobligahin ang publiko na maging bahagi na ng buhay sa mga susunod na taon o habang may banta pa ng COVID-19 ang kasalukuyang ginagawa ngayon na pagsunod sa health at safety measures tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng masks, pagsunod sa social distancing at temperature checks tuwing nasa pampublikong lugar.

Patuloy rin ang mahigpit na pagsunod sa mga safety at health standards at paghihigpit sa mga pampublikong pagtitipon, public transportation, paaralan at mga workplaces.

Facebook Comments