Labis na ikinabahala ni Committee on Welfare of Children Chairperson & BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co ang pagpapahintulot sa X o dating Twitter na magpost ng mga x-rated na content.
Ayon kay Co, marahil ay hindi alam ng may-ari ng twitter na si Elon Musk na ang nabanggit na patakaran ay labag sa mga umiiral na batas sa Pilipinas na may kaugnayan sa cybercrime, sexually explicit content, at online sexual abuse and exploitation of children.
Bunsod nito ay hiniling ni Co sa lahat lalo na sa mga kinauukulang ahensya na umaksyon sa pamamagitan ng paghahain ng petisyon sa National Telecommunications Commission para alisin ang mga sexual content sa X na naghahatid ng panganib sa mamamayan lalo na sa mga kabataang Pilipino.
Iginiit din ni Co sa mga otoridad na maging alerto at agad hadlangan ang paggamit sa X sa pakikipag-ugnayan at transaksyon na may kinalaman sa iligal na droga at iba’t ibang krimen o iligal na aktibidad.