Nanawagan na rin ang bokalista ng bandang Ben&Ben para sa pagbibitiw sa puwesto ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III dahil sa mga kabiguan umano nito sa pagtugon ng krisis dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Umani ng 21,000 retweets at 91,000 likes sa Twitter ang saloobing inilabas ni Paolo Benjamin Guico ukol sa kasalukuyang pamumuno ni Duque noong Biyernes, Hunyo 5.
“Duque, please resign. Wag mong isisi ang iyong kapalpakan sa mga taong nagbubuwis-buhay para sa bayan. After countless chances we’ve given you, it’s crystal clear with the numbers and facts: you have failed us,” giit ni Guico.
Hindi nagustuhan ng mang-aawit ang paninisi ng kalihim sa kaniyang mga tauhan hinggil sa mabagal na pagproseso ng kompensasyon para sa mga healthcare worker na dinapuan ng sakit.
di rin pwedeng sabihing di binigyan ng respeto ang liderato mo. binigyan ka ng lahat ng respeto dahil pinagkatiwalaan ka eh. sa pag-lead ng DOH sa gitna ng COVID-19 crisis.
pero binigo mo yun. numbers don’t lie.ngayon kami naman ang bigyan mo ng respeto.respectfully resign, sir.
— Paolo Benjamin (@PaoloBenjamin_) June 5, 2020
“Di rin pwedeng sabihing ‘di binigyan ng respeto ang liderato mo. Binigyan ka ng lahat ng respeto dahil pinagkatiwalaan ka eh. Sa pag-lead ng DOH sa gitna ng COVID-19 crisis,” pagpapatuloy niya.
Kamakailan ay nabunyag sa pagdinig ng Senado na hindi pa nakatatanggap ng “law mandated benefits” ang isa sa pamilya ng 32 medical workers na pumanaw bunsod ng virus.
Sa pinakahuling datos ng DOH, pumalo na sa 22,474 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong Pilipinas, kung saan 1,011 ang namatay habang 4,637 ang bilang ng mga pasyenteng gumaling sa sakit.
Samantala, inako ni Duque ang responsibilidad sa pagkaantala ng benepisyo matapos umani ng pambabatikos mula sa publiko.
While I expressed disappointment towards some members of my team, I acknowledge that this is still my responsibility as SOH. I will make sure that we comply with the Bayanihan to Heal As One Act, with proper documentation and identification of HCWs.
— Francisco T. Duque III (@SecDuque) June 5, 2020