Humaharap sa 50 taong pagkakakulong ang isang Mexican YouTuber matapos mapatunayan ng piskal na siya ang mastermind nang pagdukot sa isang babae dalawang taon na ang nakakalipas.
Si German Abraham Loera Acosta, 25, isang YouTuber ay kilala sa pagbabahagi ng motivational messages sa kanyang mahigit 4,400 subscribers sa YouTube.
Isa rin siyang full-time entrepreneur, writer, geek at isang speaker na makikita naman sa kanyang Twitter account.
Ngunit siya rin ang tinuturong mastermind sa pagdukot sa isang abogado sa Mexico na kinilalang si Thalia Denisse,33, noong Pebrero 2018.
Base sa report ng Metro UK, kinidnap si Denisse ng limang kalalakihan at dinala sa apartment na tinutuluyan ni Acosta.
Nanghingi ng 2 milyong pisong ransom si Acosta bilang kapalit nang paglaya ng biktima.
Dalawang araw mula nang pagdukot, nasagip si Denisse ng awtoridad at agad inaresto ang apat na miyembro ng grupo kabilang na si Acosta.
Samantala, isinalarawan ni Chihuahua district attorney Cesar Peniche si Acosta bilang “very experienced person in Internet communication”.
Mapapanood din sa kanyang mga videos ang napakaraming payo tungkol sa pagpapalago ng propesyon at personal na buhay.
Isa rin umanong siyang inspirasyon ng kanyang mga tagasubaybay pagdating sa pagbabasa, paglalakbay at iba pa.
Wala naman naiulat na criminal history ang naturang YouTuber ngunit ayon sa mga tagausig sa korte, si Acosta ang pasimuno at nagplano ng buong operasyon.
Kasama sa mga nahatulan sina Jassiel Omar Molina Ceballos, Jesus Adrian Mendoza Perez, Edgar Rene Subias Rubalbaca, Jesus Arnulfo Ochoa Martinez, at Juan Alfonso Puerta Holguin – na sinasabing nagsagawa naman ng mismong pagdukot sa biktima.
Bukod sa pagkakakulong, kinakailangan din umanong magbayad ng grupo ng multang nagkakahalaga ng 500,000 pesos.