Zamboanga City, nagluwag na ng restriskyon para sa mga residente nitong fully vaccinated kontra COVID-19

Nagluwag na ng COVID-19 restrictions para sa mga fully vaccinated individuals ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga City.

Bago ito, nagpatupad ng “Sunday lockdown” ang lungsod kung saan lahat ng residente ay bawal na lumabas ng kanilang bahay tuwing Linggo, maliban kung emergencies, nang sa gayon ay mapigilan ang pagkalat ng virus.

Pero base sa panibagong guidelines mula sa city government, pwede nang lumabas ng kanilang mga tahanan ang mga fully vaccinated tuwing Linggo.


Habang ang mga partially vaccinated ay papayagan lang lumabas kung naka-schedule silang magpabakuna.

Pero paglilinaw ng lokal na pamahalaan, required na magpakita ng vaccination card, QR code mula sa vaccination center o ng vaccination certificate ang mga fully vaccinated individuals.

Samantala, pwede na ring mag-operate kahit Linggo ang mga grocery, supermarkets, malls, hotels at kahalintulad na establisyimento basta’t kumpleto na rin sa bakuna ang kanilang mga empleyado.

Pinapayagan din sa 30% venue capacity ang religious venues, public markets at mga talipapa.

Gayunman, mananatiling sarado ang mga public at private resorts at iba pang kahalintulad na establisyimento.

Bukod dito, tanging ang mga driver lang ng pampublikong transportasyon na fully vaccinated kontra COVID-19 ang papayagang makapamasada.

Nabatid na mananatiling nakasailalim sa modified enhaced community quarantine (MECQ) ang Zamboanga City hanggang bukas habang may rekomendasyon nang maibaba ito sa general community quarantine (GCQ).

Facebook Comments