Umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte ang Public Attorneys Office (PAO) na i-veto nito ang pagtanggal ng Kongreso sa budget ng forensic laboratories nito.
Ayon kay Atty. Percida Acosta, hepe ng PAO, hindi umano makatarungan ang ginawang ito ng Kongreso kung saan zero budget ang inilaan para sa kanilang forensic division.
Malaki aniya ang epekto nito sa kanilang tanggapan lalo pa at wala namang ibang malalapitan ang publiko para sa libreng forensic examination na magagamit upang mapatibay ang isang ebedensya.
Naging kontrobersyal ang forensic examination ng PAO dahil sa resulta ng mga pagsisiyasat nito sa mga namatay kaugnay ng naturukan ng Dengvaxia.
Sa ratipikasyon kahapon ng Bicameral Conference Committee ng Kongreso, inalisan ng mga mambabatas ng budget ang forensic division ng PAO.
Pakiusap ni Acosta kay Pangulong Duterte, i-veto nito ang probisyon sa panukalang 2020 budget na nagtatanggal sa zero budget ng PAO Forensic Division.