Zero casualty sa bagyong Jolina, ipinagmalaki ng National Risk Reduction and Management Council

Manila, Philippines – Zero casualty o walang naitalang sugatan o namatay sa mga apektadong lugar sa may hilagang bahagi ng Luzon sa paghagupit ni bagyong Jolina.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council Spokesperson Romina Marasigan – nasa isang libong indibiduwal o mahigit 250 pamilya ang nakiisa sa preventive evacuation na isinagawa ng mga regional offices ng kagawaran.

Sa ngayon ay balik-operasyon na ang mga pantalan, paliparan, at mga terminal ng bus na pansamantalang nagsuspinde ng kanilang operasyon dahil sa sama ng panahon.


Maging ang kennon road na pansamantalang isinara kagabi ay maaari nang gamitin.

Nananatili pa rin sa red alert status ang NDRRMC, maging ang kanilang mga regional operation centers habang hindi pa tuluyang nakakalabas ng Philippine Area of Responsibility si bagyong Jolina.

Samantala, binuksan na ng Magat Dam ang pangalawang gate nito matapos na nitong maabot ang spilling level na 190 meter.

Pinaghanda naman ang mga naninirahan sa ilog ng magat na magsilikas. Gayundin ang dadaanan ng ilog sa Ramon, San Mateo, Aurora at Luna at Gamu sa Isabela .

Apat na gates na rin ang binuksan sa Ambuklao at Binga sa Itogon, Benguet.

Facebook Comments