Cauayan City, Isabela – Tatlong bagay ang pinunto ni Isabela Governor Bojie Dy sa pagbubukas ng 4th Quarter Regional Peace and Order Council (RPOC) Meeting na ginanap dito sa lungsod ng Cauayan ngayong araw ng Disyembre 21, 2017.
Bilang chairman ng RPOC ay kanyang hiniling ang pagiging alerto ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Army may kaugnayan sa pagkakadeklara ng NPA bilang terrorista.
Ito ay sa likod ng unilateral ceasefire ng pamahalaan ngayong pasko at bagong taon at sa kagustuhan ng pamunuan ng probinsiya para sana sa isang localized peace talks.
Pangalawa, sa muling pagsama ng PNP sa PDEA sa kampanya laban sa droga ay kanyang hiniling sa dalawang ahensiya na mapanatili ang kawalan ng kaso ng EJK at mga law enforcement issues sa Isabela habang isinasagawa ang kanilang mandato.
Pangatlo ay ang ayuda na maibibigay ng Isabela sa kanyang sister LGU na Marawi sa kasalukuyang mga hakbang para sa rehabilitasyon ng naturang lungsod.
Kanyang inatasan ang secretariat ng PDRRMC na bumuo ng grupo para bumisita sa naturang lugar at gumawa ng programa para sa anumang maitutulong ng probinsiya sa sister LGU nito.
Kinuha din ng gobernador na pagkakataon ang okasyon upang ipresenta ang Isabela PDRRMC bilang pinakamagaling na PDRRMC sa Pilipinas sa pagiging Hall of Famer nito sa Gawad Kalasag.