Zero excise tax sa ilang produktong petrolyo, nakalusot na sa komite ng Kamara

Pormal nang inaprubahan sa House Committee on Ways and Means ang substitute bill na nagsusulong ng suspensyon at kaltas sa kinokolektang “excise tax” sa mga produktong petrolyo.

Napagkasunduan sa pagdinig ng komite na aprubahan ang substitute bill na ibinatay sa House Bill 10438 ni Albay Rep. Joey Salceda, na siyang chairman ng Ways and Means ng Kamara.

Sa panukala ay isinusulong na gawing “zero” ang excise tax sa diesel, kerosene at LPG.


Babawasan naman ang excise tax sa low-octane gasoline sa P4.35 mula sa kasalukuyang P7 at mananatili naman ang excise tax para sa premium gasoline sa P10.

May probisyon din dito para sa “special fund” o Social Impact Stabilization Fund na ilalaan sa mga sektor na maaapektuhan ng mga oil price hike.

Sa oras na maging ganap na batas ay tatagal ang tax suspenion-reduction ng anim na buwan.

Sinabi ni Salceda na aabot sa P45 billion ang inaasahang mawawalang kita sa pamahalaan pero mas malaking tulong naman ang kapalit nito para sa mga consumer.

Matatandaan na itinulak sa Kamara ang suspensyon sa excise tax sa mga produktong petrolyo dahil sa naging serye ng dagdag-presyo sa oil products.

Facebook Comments