
Tiniyak ni Jose Melencio Nartatez Jr., hepe ng Philippine National Police (PNP), na mahigpit nilang ipatutupad ang zero-tolerance policy laban sa hazing.
Giit ni Nartatez, hindi tama na inaaresto at kinakasuhan ang mga lumalabag sa Anti-Hazing Act of 2018 habang may mga insidente pa rin ng hazing na nagaganap sa loob mismo ng bakuran ng PNP.
Dagdag pa niya, ang mahigpit na pagsasanay ay dapat maghubog ng mahusay na opisyal. Aniya, nais ng pambansang pulisya na ang kanilang mga opisyal ay maging malalakas at kompetente dahil sa tamang pagsasanay, at hindi dahil nakaligtas sa pang-aabuso.
Ayon pa kay Nartatez, layunin ng mga inisyatibang ito na matiyak na ang mga cadet ay mahuhubog sa pamumuno, disiplina, at katatagan sa isang ligtas na kapaligiran.
Ipinahayag ito ng PNP chief matapos siyang maging guest of honor at speaker sa ika-46 na Grand Alumni Homecoming ng Philippine National Police Academy na ginanap noong March 14 sa Camp General Mariano N. Castañeda.
Kaugnay nito, nanawagan din siya sa lahat ng alumni ng PNPA na tumulong sa pagbuo ng kultura ng kahusayan at disiplina na nakabatay sa serbisyo at integridad, na walang puwang para sa mapang-abusong tradisyon sa loob ng akademya.









