
Mahigpit na binabantayan ng mga tauhan ng MPD Special Mayors Reaction Team (SMART) ang ilang kalsada sa Divisoria partikular sa bahagi ng Binondo.
Ito’y upang masiguro na naipapatupad ang zero vendors policy na inilatag na patakaran ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa kahabaan ng Recto Avenue at Carmen Planas Street.
Nabatid na dahil sa walang kaayusan sa kalinisan, sinuspindi ang pagtitinda ng mga vendor sa Carmen Planas Steet sa Binondo.
Hindi nagawa ng mga vendor na iligpit o itapon nang maayos ang mga basura, basket, kariton at iba pang kalat na nakitang nakatambak sa nasabing lugar.
Bantay-sarado ng MPD SMART ang lugar para masiguro na walang vendors ang makakapaglagay ng pwesto at makapagtinda.
Ang naturang desisyon ng Manila local government unit ay bilang leksyon sa mga vendor na binigyan ng pagkakataon upang magkaroon ng kita nang maayos basta’t sundin lamang ang umiiral na patakaran sa kalinisan at kaayusan sa Divisoria.










