Zubiri, hihilingin kay Hontiveros ang pagi-isyu ng ‘show cause order’ vs Quiboloy

Hihilingin ni Senate President Juan Miguel Zubiri kay Senator Risa Hontiveros na mag-isyu muna ng ‘show cause order’ kay Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay Zubiri, kakausapin niya si Hontiveros tungkol sa pagpapalabas muna ng ‘show cause order’ kay Quiboloy lalo pa’t nagkaroon ng ruling noong nakaraang taon ang Korte Suprema sa naging imbestigasyon ng Senado vs Pharmally.

Matatandaang noong November 2023 ay kinakitaan ng Supreme Court ang Senate Blue Ribbon Committee ng pagmamalabis sa paggamit ng kapangyarihan nito sa pagpapa-cite in contempt at pagpapa-aresto sa mga resource persons ng Pharmally sa ikinasang imbestigasyon noong 2021.


Sinabi ni Zubiri na kailangang sundin ang ruling ng Korte Suprema kung saan gagamitin muna ang lahat ng legal na paraan at due process bago dumating sa puntong ipapaaresto ang isang iniimbestigahan.

Sa show cause order ay pagpapaliwanagin si Quiboloy kung bakit hindi siya dapat maipa-contempt ng Senado.

Kapag naman aniya naglabas ng show cause order si Hontiveros at hindi pa rin makukuntento sa paliwanag ng pastor at hindi pa rin ito haharap sa pagdinig ay saka naman magi-isyu ng warrant of arrest ang Mataas na Kapulungan.

Facebook Comments